NORMAN T. FANER (Bong)
Binabati kita sa pagkakatuklas mo sa aking
"secret page". Ang ibig lang sabihin, napakalikot ng kamay mo sa kakakalikot sa
mouse ng iyong computer, at matalas ang iyong mata, nakita mo ang aking lihim na link
papunta dito sa page na ito! Ilan na rin ang nakapagsabi sa akin na dapat daw may
kuwento din tungkol sa akin doon sa "Where Are They Now?" page, pero hindi ako
palagay na ilagay ko doon ang sarili ko dahil parang ipino-promote ko ang aking sarili.
Ako nga pala iyang nakikita mong larawan sa kaliwa, kuha iyan sa ating yearbook na
"The Mango", ganyan pa rin naman ang hugis ko hanggang sa ngayon - medyo tumaba
lang ng konti, nakasalamin sa mata at may ilan na ring puting buhok.
Nabigyan ako ng
inspirasyon ng website ng II Class 1980 na katha ni
Cedric Joson. Magdadaos kasi sila ng ika-dalawampung anibersaryo at may binabalak silang pagtitipon sa Pilipinas at sa
Southern California sa taong 2000. Naisipan ko tuloy na gumawa rin ng unofficial
website para naman sa ating II Class 1976, ang malaking dahilan ay ang nalalapit nating
Silver Jubilee o ika-dalawampu't limang anibersaryo sa taong 2001. Ang tagal na rin
pala, ano? Layunin ko rin na kayo ay makabalita tungkol sa inyong mga kamag-aral at
mga guro. Ang mga larawan na inyong matutunghayan sa website na ito ay galing sa
aking personal na koleksyon. Nawa'y kilitiin ng mga larawang ito ang inyong alaala
upang sariwain ang mga pinagdaanan ninyo sa Imus Institute. Ang "Graduation
Programme" na nasa Pictures Gallery ay malaking sorpresa sa akin dahil hindi ko
inaasahan na naitago ko pala ito kasama ng mga larawan! Umaasa ako na makakakuha pa
ako ng iba pang mga larawan sa inyo na aking ilalathala dito. Maraming oras na rin
ang ginugol ko dito sa paggawa ng website na ito ngunit ayos lang iyon, basta't mabigyan
ko kayo ng kasiyahan. Ito'y sadyang ginawa para sa II Class 1976.
Tungkol naman sa aking
sarili. "Bong" ang tawag sa akin ng aking pamilya at mga kaibigan. Taga-Bayan
Luma ako, sa tapat ng unang eskuwelahan. Masyadong maraming magagandang alaala
ng Imus Institute ang nasa isipan ko pa, magsasawa ang magbabasa kung babanggitin ko pa
dito. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking alaala ang unang araw ng klase noong
taong 1972. Si Angel Abad at Juancho
Lucas ang aking mga unang nakilala. Tungkol kay "Ragam" ang isa sa mga
unang leksiyon sa Diwang Kayumanggi sa Pilipino class ni Gng.
Elenita Monzon. Hindi ko rin malilimutan ang lubos na nagpahirap sa karamihan na Geometry class ni Bb. Yolanda Algoso at ang English
Composition class ni Bb. Gloria Dominguez kung saan ang
palaging nasa isip ko (hindi lang naman siguro ako!) ay huwag sanang matawag sa
recitation! Nagugunita ko pa rin ang mga pinagdaanang "camping" sa Boy
Scouts at sa pagma-martsa sa CAT tuwing Sabado na pinamunuan ni Sergeant
Ubas. (O, natatandaan ninyo pa ba siya?) Dito rin namin nakilala ng aking
mga dati nang malapit na kaibigang sina Alex Camungol at Edgardo Sarroca ang mga bago naming naka-barkada na sina Melito Darvin, Felino Livelo, Liberato Virata, Percival Jarin, Lauro Samudio at marami pang iba. Karamihan ay nakasama
ko pa rin sa kolehiyo sa Mapua Institute of Technology, kung saan nagtapos ako noong
Oktubre, 1980. Mabigat man sa kalooban, ako ay umalis sa Pilipinas noong Marso, 1983
upang manirahan sa Estados Unidos. Marami tuloy akong na-miss na pagtitipon ng ating
klase. Hindi naman gaanong nagtagal at nagkita-kita din kami dito ng ating mga
kasabayin sa II na sina Ariel Reyes, Imelda Panganiban, Daisy
Dominguez, Cecilia Lacson, Evelyn
Bergonio, Adriano Delorito, atbp., kaya tuwing
Disyembre ay may happening din kami dito sa Southern California kahit papaano.
Disyembre 1988 nang
bumalik ako sa bayang sinilangan upang makipag-isang dibdib. Si Florian de Quiroz,
taga-Palico, sa Imus, Cavite din, ang aking naging kabiyak. Sa Imus Institute din
siya nagtapos noong 1980. May dalawa kaming anak, si Melvin na walong taong gulang,
at si Clarissa na anim na taong gulang naman. Naninirahan kami sa Whittier,
California, 17 milya (27 kilometro) sa dakong silangan ng downtown Los Angeles.

May 20, 1999

|